Speech of DSWD Sec. Judy M. Taguiwalo at the graduation and
moving up event of the Lumad school
in Maco, Compostela Valley, Mindanao
April 10, 2017
Malipayon og malingkawasong kaugmaon sa atong tanan!
Magandang umaga sa lahat na naririto. Sa mga magulang ng mga bata, sa mga guro at lalong lalo na sa mga batang magsisipagtungo sa mas mataas na antas ng pag-aaral sa Community Technical College of Southeastern Mindanao (CTCSM) magandang umaga sa inyong lahat.
Isang karangalan ang tumayo sa harap ninyo para saksihan ang inyong moving-up ceremony. For the students, the teachers, and the parents, to say that the road you’ve traversed to reach this point is full of hardship and sacrifice is an understatement as the sacrifices you’ve endured is beyond what most students, parents, and teachers experienced in pursuing their studies.
Sa mahalagang okasyong ito, hindi lamang ang inyong komunidad kundi ang buong kalipunan ng nakikibakang Pilipino ang nagagalak at nakikibahagi sa inyong tagumpay.
Kahanga-hanga ang inyong pagpupunyagi sa kabila ng maraming hadlang. Matayog ang inyong naabot at pilit pang inaabot sa kabila ng kawalan o katiting na tulong mula sa mga nasa kapangyarihan. Sa panahong kayo ay sinubok at dinahas, naging saksi kami sa inyong pagkakapit-bisig at pagsama-sama. Hindi nakakapagtakang ang inyong lakas ay naipamalas at ang inyong boses ay narinig sa buong Pilipinas at maging sa ibang bansa.
Ilang beses kayong napilitang lumikas patungo sa Haran sa Davao at sa iba pang evacuation centers. Hindi minsang kayo ay natigil sa pag-aaral dahil sa armadong tunggalian sa Davao del Norte, Surigao, sa Compostela Valley at iba pang mga lugar na may komunidad ng mga Lumad sa Mindanao.
Subalit patuloy na nananalaytay sa inyong mga ugat ang dugo ng inyong mga ninuno. Kung paanong sila ay hindi nagpatinag at hindi nagpasakop sa mga naunang mananakop na Espanyol, Amerikano, at Hapon, hindi kayo nagpapatinag sa mga elementong sa inyo’y nandarahas.
Nawala ang mga kolonyalista, napatalsik ang diktador, pero dahil sa yaman ng inyong lupain at husay ng pagpapahalaga sa katutubong pamumuhay at kultura, nagkaroon ng panibagong mga nais umagaw ng inyong lupain at sumira sa inyong pamumuhay. Nariyan ang mga malalaking kumpanya ng troso, mga kumpanyang nais gawing plantasyon ang malawak na lupain niyo, at mga minahang nais bungkalin ang yamang natatago sa ilalim ng inyong Yutang Kabilin. Sumiklab ang kaguluhan nang napagtanto ng kalaban na hindi malilinlang ang inyong mga lider at buong komunidad. Ilang taon lang ang nakararaan, binuo nila ang mga paramilitar at sapilitang nirekluta ang mga lumad laban sa kanilang kapwa, bangga sa sariling interes.
Umabot sa puntong dahil sa pandarahas, malawakan at maramihan kayong nagsilikas sa inyong mga komunidad. Pinatay ang inyong mga lider sa tribo, pinaratangang NPA school ang inyong mga paaralan na dumulo sa pagpatay sa direktor ng ALCADEV na si Emerito Samarca at sa inyong lider na si Dionel Campos at Bello Sinzo. Nakalulungkot isipin na nagpapatuloy magpa hanggang ngayon ang pamamaslang sa mga Lumad at mga nakikiisa sa mga ito.
Dinala ninyo ang inyong laban hanggang Kamaynilaan. Sa LAKBAYAN ng mga Pambansang Minorya sa UP. Kami sa DSWD ay natuwa na nabigyan ng pagkakataong makiisa at makapagpaabot ng kaunting tulong sa inyong lakbayan.
Isa sa inyong matagal nang panawagan ang karapatan sa edukasyon. Kung kaya’t gaya ng CTCSM at marami pang Lumad Schools, sa tulong ng mga makabayan at iba’t ibang progresibong organisasyon, itinayo ninyo ang paaralang tunay na tumutugon sa inyong pangangailangan. Ang hamon sa amin sa pamahalaan ay maibigay ang nararapat at sapat na tulong para sa inyo hindi lamang sa aspeto ng edukasyon kundi ng pangangalaga sa kapayapaan at seguridad sa inyong Yutang Kabilin.
Established on October 24, 2013, CTCSM’s pedagogy rest on three objectives—to provide a comprehensive grassroots-transformative teacher education for lumad and moro scholars; a school aimed at raising agricultural production in a sustainable way, and natural-based health programs that will make use of indigenous materials found in the environment and knowledge accumulated from our ancestors together with scientific,natural-based health programs. Isang edukasyong naghuhubog ng bagong pagpapahalaga, hindi sa materyal na bagay at pansariling interes kundi sa interes ng komunidad, bilang katutubo at interes ng buong bayan. Isang edukasyong lilinang sa kagalingan ng komunidad at mangangalaga sa yutang kabilin.
Kung kaya’t gaya ng nasabi, labis ang kasiyahan hindi lang mga magulang ng mga magsisipagtapos or those moving up, kundi ng buong pamayanan at maging ng lahat ng nakikibakang Pilipino. Umaasa kami na kayo ay makakatulong sa pagpapahusay ng pagtatanim sa komunidad at pagpapanatili ng kalusugan ng pamayanan.
Malayong malayo ang pagpapahalagang ito sa maraming paaralan sa lungsod at maging sa mga nayon at kabundukan na kung saan tanging pagpapahalaga sa perang kikitain para sa sarili, at maliit na pamilya; nagpapahalaga sa banyagang kaalaaman at punto-de-bista, at nakabatay sa pagpapalaki ng kita sa mga kapitalista edukador at nagtuturo ng bulag na pagsunod sa awtoridad. Alam ko ito dahil bukod sa pagiging kasapi ng ACT Teachers sa UP, nagsimula ako ng aktibismo noong ako rin ay isang kabataang estudyante.
Kung kaya’t lubos akong humahanga sa inyo. Ang pinag-uusapan, pinag-aaralan pa lang na konsepto ng makabansa, makamasa, at siyentipikong edukasyon at kultura sa mga unibersidad sa kalunsuran ay isa nang buhay na karanasan sa mga tulad ng CTCSM na Lumad School.
Upon the entry of the new administration at DSWD and of President Duterte, we made clear that the Lumads must be provided all the help they need—relief and rehabilitation assistance – so the evacuees can return safely to their communities.
The long and continuing armed conflict directly affecting Lumad communities, exacerbated by the aerial bombings of your communities in the last two months created a crisis where our bureaucratic processes—often long and protracted—could cause delays that can spell life and death for the communities.
During our dialogues with your leaders and the PASAKA contingent, we were able to learn that the Department’s guidelines cannot effectively and swiftly address the situation of most national minorities particularly of the Lumads. Mula sa pagkatuto sa masa, sinisikap naming iwasto ang mga ito. Ilan dito ay ang pagsiguro na makikinabang sa MCCT ang inyong mga komunidad. Magkakaroon rin ng community kitchen na tutugma sa pangangailangan ng mga Lumad sa panahon ng pagpapatupad ng Cash for Work Program.
Nakabatay ang inyong kaugalian, kultura, at pamumuhay sa lupa kung kaya’t kaisa ninyo kami sa DSWD sa pagsiguro na magagamit niyo ang inyong lupa para sa inyong pagtatanim at kabuhayan nang hindi sinisira ang kalikasan.
Kaugnay nito, tutulong/gagabay kami sa inyo para maging accredited ang mga organisasyong masa ng mga Lumad gaya ng PASAKA para sa pagpapahusay ng partnership ng Lumad communities at ng DSWD sa mga programa nito. Isa dito ang Sustainable Livelihood Program o SLP na may mga planong proyekto gaya ng gardening, rice at corn mill, at mga skills training para madagdagan ang kakayahan ng mga Lumad para mas mapaunlad pa ninyo ang inyong mga komunidad.
Kikilalanin din ng DSWD ang katangiang komunal ng mga Lumad maging sa implementasyon ng mga programa at proyekto para sa inyo. Bubuuin rin ang plano para makapaghatid ng kinakailangang serbisyo sa patubig, modified shelter program MSP hinggil sa pabahay, isa sa mga programa ng DSWD.
Sa pagkilala sa kagutumang nagaganap sa komunidad lalo na ng mga bata, magsasagawa kami ng Supplemental Feeding Program sa inyong mga komunidad.
Ang mga planong nabanggit ay hindi lang para sa mga Lumad sa Compostela Valley kundi maging sa ibang parte ng Mindanao na napalikas bunga ng direktang epekto ng armadong tunggalian at ng mga pandarahas ng mga militar at paramilitary.
Makatulong sana ito sa mabilis na pagbangon ng inyong mga komunidad. Ngunit ang pag-alpas sa kahirapan ay hindi kayang solusyonan ng DSWD. Nagbibigay ng matalino at makamamayang solusyon ang inihahain sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP. Suportahan natin ang usapang pangkapayapaan lalo pa’t adyenda nito ngayon ang pagtutulak sa libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka, pambansang industriyalisasyon, pagkakaroon ng unibersal at libreng serbisyo pangkalusugan at edukasyon at mas pinahusay na serbisyo sosyal na siyang lulutas sa kahirapan ng bansa.
Nasa kabataan ang pag-asa ng bayan, habang nasa mga komunidad ng mga Lumad inihahatag ang ilang sampol sa solusyon sa ating matagal nang panahon ng pagkaalipin at daang taong kahirapan. Sa inyong moving up ceremony, aralin ninyo lahat ng matutunan niyo sa inyong karanasan sa CTCSM, sapagkat naghihintay ang inyong mga komunidad sa inyong pag-uwi at pagbahagi ng inyong kaalaman at kasanayan hindi lang sa pagtuturo, paggamot, at pagtatanim kundi maging sa inyong maiaambag para sa pangangalaga sa inyong yutang kabilin.
Mabuhay kayong lahat!